Huwag mong isipin na ang mga hakbang at programang maaaring makatulong sa iyo sa pag-alis ng iyong bisyo sa alak ang siya lamang gawain na makakapagpahinto sa iyo sa madaling paraan. Ang pinakamahalagang bagay na nakapaloob dito ay ang kagustuhan mo na tumigil at manatiling hindi umiinom. Ang iyong sarili at ang iyong pagnanais na maitigil ang bisyo ang siyang pinakamahalagang bahagi sa ikatatagumpay ng iyong mga plano at mithiin. Ito ang siyang magdidikta kung anong level ng tagumpay ang iyong makakamit at hindi ang anumang mga programa na ipatutupad mo. Ang mga paraan ng gamutan ay magiging daan mo lamang sa paghinto at hindi ito isang magic wand na makapagpapaalis sa iyong mga problema sa isang kumpas lamang.
Hindi lahat ng tao ay makakatulong sa iyong paghinto. At hindi ang mga tao ang tanging paraan upang magamot ang iyong mga karamdaman tungkol sa alcoholism. Ang pinakaimportante ay ang iyong sariling pagnanais na makaalis sa sitwasyong ito at ang iyong mga kilos na siyang magdadala sa iyong mga paa tungo sa landas na dapat mong tahakin. Ikaw ang driver ng iyong buhay at kung saan man ikaw tutungo ay depende na sa iyong pagpihit ng manibela ng iyong buhay. Ang paggaling sa anumang addiction, partikular na ang alcohol addiction na iyong kinasasadlakan sa kasalukuyan ay bunga ng iyong matibay at malakas na desisyon tungo sa pagbabago.
Kahit na anong ganda ng programang iyong ia-apply sa alcoholism, o kahit na anong tibay at lakas ng epektong idinudulot nito sa iba pang mga alcoholic, hindi sapat iyon upang ikaw ay gumaling at makapagbago. Iba-iba ang sitwasyon at kondisyon ng mga tao. Kung anuman ang gamot o programang naging daan upang ang isang tao, ako halimbawa, ay hindi ibig sabihin na ganoon ding mga hakbang ang pwede o maaaring makapagpahinto sa inyo sa pag-inom ng alak. Nasa sa iyong mga hakbang, paraan, pagnanais at pagpapanatili sa labas ng alcohol ang siyang pagdidikta kung ikaw ba ay maaaring makaalis sa mga ganitong sitwasyon.
Ang dapat mong tandaan ay kung paano mo mapalalakas ang iyong kagustuhan na mapaglabanan ang anumang negatibong nararamdaman. Ang mga alcohol withdrawal symptoms ay maaaring maging hadlang sa iyo. At kadalasang nagiging dahilan nga ito upang ang isang tao na sumusubok na umalis sa alcohol ay manumbalik sa kaniyang nakagawiang bisyo. Ang mga masasamang simtomas na mararanasan ang makapagpapahina sa iyong motivation na makakawala sa alcohol addiction. Kaya nararapat lamang na maging matalino o magkaroon ng lahat ng impormasyon tungkol sa mga alcohol withdrawal symptoms upang mapaglabanan at malagpasan ang mga ito sa panahon na ito’y umatake.
Bumisita sa isang espesyalista na higit na nakakaunawa kaysa sa iyo sa mga bagay na ito at magtanong tungkol sa mga bagay na hindi mo maunawaan at may malalim na mga palaisipan. Ang mga doktor na nakakaalam ng mga impormasyon ay siyang lubusang makapagpapaliwanag sa iyong kondisyon at magiging kondisyon sa ilalim ng gamutang iyong isinasakatuparan. Huwag maging ugali ang paglalapat ng lunas na hango sa mga sabi-sabi at haka-haka lamang ng mga tao bagkus ay ituon ang pansin na malaman ito sa mga dedikadong mga tao tulad ng mga eksperto sa alcoholism.
Wednesday, May 4, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment